PatrolPH

PUV drivers desperado nang maghanapbuhay matapos ang 2-buwang quarantine

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 06:20 PM | Updated as of May 18 2020 08:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Higit 2 buwan nang walang hanapbuhay si Rodrigo Apas na isang jeepney driver.

Wala siyang maipadala sa pamilya na nahiwalay sa kaniya mula nang magpatupad ng enhanced community quarantine sa bansa dahil sa pagkalat ng COVID-19.

"Naghihirap din po kami dito sa sitwasyon namin, unang-una malayo sa pamilya, 'yung di namin nakikita mga anak namin tsaka hanggang ngayon wala kaming pera," ani Apas. 

Dahil umiinom ng pang-maintenance at hinihika, dagdag-pasanin pa ang kaniyang pagpapagamot. Wala pa raw siyang makuhang ayuda mula sa gobyerno.

"Sana po bago maubos ang gamot ko sana makapaghanapbuhay na po kaming lahat. P1,200 po per isang piraso," sabi ni Apas. 

Kaya nakikipag-usap na ang operator ng e-jeepney ni Apas sa ilang kompanya na gamitin pansamantala bilang shuttle service ang kanilang units para kumita ang kanilang mga tsuper.

Maaalalang noong Sabado ay nasa ilalim na ng mas maluwag na antas ng quarantine ang buong bansa, pero hindi pa rin pinapayagan ang mass transportation tulad ng jeepney, bus, at tren.

Ngayon pa lang, naghahanda na ang mga jeepney driver sa araw na muli silang makapasada pero aminado silang hindi na ito tulad ng dati.

"Kahit mag-under new normal po tayo hindi pa rin po magiging normal ang aming byahe dahil ang capacity ng aming isasakay ay kalahati lang," ani Jojo Martin, national vice president ng grupong Pasang Masda. 

Maging ang mga tricycle driver, humahanap na ng diskarte paano kumita.

Binuksan ng isang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) ang kanilang platform para sa mga tricycle driver na gagawin nila ngayong delivery personnel.

"As far as the permits are concerned ia-apply namin sa appropriate agencies para sila mismo mag-confirm, as of the moment dadahan-dahanin namin ang pag-train sa kanila, we are also observing physical distancing," ani Noli Eala, vice president for corporate affairs ng JoyRide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.