Pagkaso sa mga OFW na tumakas sa quarantine facility pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 05:24 PM | Updated as of May 18 2020 08:21 PM

Watch more in iWantTFC

Pinag-aaralan ng Philippine Coast Guard (PCG) kung ano ang kasong maaaring isampa sa 8 overseas Filipino worker (OFW) na tumakas mula sa quarantine facility, sabi ngayong Lunes ng tagapagsalita na si Commodore Armand Balilo.

Isa sa mga tumakas na OFW ay nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Balilo, natagpuan na ang OFW na nagpositibo sa sakit at ipina-quarantine na rin ang kaniyang pamilya na inuwian niya.

Nakiusap si Balilo sa mga OFW, lalo sa mga seaman, na nananatili sa quarantine facility na habaan ang kanilang mga pasensiya.

Samantala, patuloy namang dumadami ang mga barko na dumadaong sa Manila Bay lulan ang mga Pinoy seafarer. Ang ilan dito ay galing Australia, Germany, at Singapore.

Sa ngayon, umaabot na sa 24 na cruise ship ang nakaangkla sa Manila Bay, kung saan lahat ng sakay ay ipinag-utos ng PCG na dumaan sa COVID-19 testing. Pauuwiin lamang ang sakay sa kanilang mga probinsiya kapag sila ay nag-negatibo sa sakit.

Ayon kay Balilo, halos lahat ng sakay na 8,000 seafarer ay dumaan na sa testing para sa COVID-19.

Hindi pa rin binigay ng Bureau of Quarantine at Department of Health ang bilang ng Pinoy seafarers na positibo sa COVID-19 maging iyong bilang ng mga nag-negatibo sa swab tests.

Nitong Lunes, umabot sa 12,718 ang kabuuang bilang ng mga positibo sa COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 2,729 ang gumaling habang 831 ang namatay. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.