PatrolPH

Mocha Uson sinagot ang reklamong fake news sa NBI

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 05:11 PM | Updated as of May 18 2020 07:07 PM

Watch more News on iWantTFC

Sinagot ngayong Lunes ng kontrobersiyal na government official na si Mocha Uson ang isinampang reklamo sa kaniya sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano ay pagpapakalat ng fake news o pekeng impormasyon.

Noong nakaraang buwan, nag-post si Uson, deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration, sa Facebook ng retrato ng safety gear na umano ay binili ng gobyerno.

Kalaunan ay pinalitan ni Uson ang mga retrato matapos tukuyin ng mga netizen na ang ibang retrato ay safety gear na donasyon ng isang pribadong kompanya.

“Ang intensyon ko i-inform ‘yong ating mga kababayan na hindi pinababayaan ng gobyerno ang ating mga healthworkers, mga frontliners,” ani Uson tungkol sa post.

“’Yung impormasyon na gusto kong i-share sa publiko, may ginagawa ang gobyerno, para pangalagaan yung frontliners natin. Nagkamali lang, honest mistake ‘yong sa photo,” dagdag niya.

Iginiit din ni Uson na dati na niyang inamin ang pagkakamali sa naturang post at humingi na siya ng paumanhin tungkol dito.

Pinagsusumite ng NBI si Uson ng pormal na pahayag tungkol sa insidente.

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, kahit may paumanhin na nilabas matapos mag-post ng “fake news,” hindi ibig sabihin ay absuwelto na ang nag-post.

Kapag nakumpleto na ang mga salaysay, gagawa ang NBI ng report tungkol sa reklamo at pag-aaralan kung may basehan para magsampa ng kaso laban kay Uson. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.