PatrolPH

Mga pribadong ospital sa Samar, Leyte nangangailangan ng PPEs

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 12:24 PM

Nanawagan para sa personal protective device (PPE) ang opisyal ng isang grupo ng mga pribadong ospital sa mga isla ng Samar at Leyte.

Ayon sa doctor na si Jose Lito Trumata, walang natatanggap na PPE ang mga pribadong ospital sa Samar at Leyte, at hirap din ang mga supplier na mag-deliver sa kanilang mga lugar.

“Nananawagan kami, particular iyong PPE po,” sabi sa Teleradyo ni Trumata, medical director ng Christ the Healer Hospital sa Sogod, Southern Leyte.

“It took us several attempts before iyong orders ng PPEs dumating sa lugar namin, especially ngayon na nagkaroon ng bagyo,” dagdag niya.

Ikinuwento ni Trumata na dahil sa kakulangan ng PPE, nagtahi na lamang ng sariling safety suits ang mga health worker sa mga pribadong ospital sa Leyte at Samar.

“Ang ginawa ng mga ospital, own initiative, bali bumili na lang ng tela na kahalintulad sa ginagawa ng PPE at saka ang iba po nagpatahi,” kuwento niya.

Para sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga pribadong ospital sa Samar at Leyte, maaaring makipag-ugnayan kay Trumata sa numerong 0917-631-4886.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.