MAYNILA — Alas-11 ng umaga nang mamataan ng ABS-CBN News ang karpintero na si Ernesto Ofredo sa Kamuning sa kahabaan ng EDSA kung saan siya nagbabakasakaling maisakay siya papuntang trabaho.
Galing pa siyang Antipolo at naglakad nang kilo-kilometro para makarating sa trabaho sa Balintawak.
Bandang 4:30 ng madaling araw umalis sa bahay ang trabahador, naglakad hanggang bayan ng Antipolo, nag-tricycle hanggang Cogeo, nakisakay sa van hanggang Masinag, at mula doon ay naglakad na siya hanggang makarating sa Kamuning.
Ayon kay Ofredo, desperado na siyang bumalik ng trabaho dahil inabot na ng P20,000 ang kaniyang utang.
Hinatid ng ABS-CBN si Ofredo para makarating siya sa trabaho.
Isang halimbawa ang kaso ni Ofredo kaya umaalma ang ilang labor group ngayong balik-trabaho na ang mga manggagawa kahit hindi pa muling pinapayagan ang mass transportation.
Panawagan ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa pamahalaan, gamitin ang mga nakatenggang sasakyan ng pamahalaan para panghatid sa mga trabahador.
"I-mobilize ang mga idle government-owned vehicles at gamitin ang mga ito bilang free rides sa manggagawa at mga kompanya na hindi kayang mag-provide ng shuttle service sa kanilang mga employees," ayon sa pahayag ng ALU-TUCP.
Ikinagalit naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang naging pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na sa employers na dapat itanong ang issue ng transportasyon. Mistulang paghuhugas daw ito ng kamay sa responsibilidad ng gobyerno.
"Naghuhugas kamay siya sa pananagutan ng gobyerno sa mga manggagawa... It is the height of callousness of Secretary Lopez. He is basically saying that workers embark on a 'death march' if they want to keep their jobs," ani Elmer Labog, chairperson ng KMU.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV Patrol Top, ALU-TUCP,TV PATROL, TV PATROL TOP