MAYNILA — Hinimok ng ABS-CBN Corporation nitong Lunes ang Supreme Court (SC) na maglabas na ng temporary restraining order (TRO) para isantabi o ipatigil pansamantala ang pagpapatupad ng cease and desist order na inisyu ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa network.
Paliwanag ng media giant, P30 hanggang P35 milyon ang nalulugi ng ABS-CBN Corporation sa bawat araw na hindi ito umeere.
"Every day that it is off the air, ABS-CBN is losing about PHP 30 to 35 million mainly in advertising revenues," anila.
Kung hindi maaagapan, maaari itong mauwi sa pagkakasibak ng mga empleyado nito, pagbabawas sa mga suweldo at benepisyo, at iba pang pagtitipid sa mga gastusin.
"If this severe financial hemorrhage is not stopped, ABS-CBN may be constrained to eventually let go of workers, reduce salaries and benefits, and substantially cut down on costs and expenses," sabi ng kompanya.
Mayo 5 ang huling broadcast ng ABS-CBN, DZMM, at iba pang mga istasyon nito sa buong bansa.
Ayon sa kompanya, ang malaking kawalan ay dama pati ng mga hindi direktang empleyado ng kompanya gaya ng mga talent, security guard, driver, utility personnel, at maging ng advertising industry na bilyon-bilyong piso ang ibinubuhos sa TV.
Binanggit din ng ABS-CBN ang mga naging kontribusyon nito sa bansa tulad ng higit P70 bilyong kabuuang buwis na naibayad sa gobyerno mula 2003 hanggang 2020; pagbibigay impormasyon na aabot sa 99 percent ng mga household sa Pilipinas, kung saan 70 porsiyento ang tumutok sa ABS-CBN noong 2019; at P237 milyong ayuda na nalikom ng network sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Halos 10 porsiyento rin ang ibinagsak ng halaga ng shares of stock ng ABS-CBN nitong Lunes sa muling pagti-trade nito sa stock market.
Bagama't kinilala ng kompanya na may mga hakbang na sa Kamara para mabigyan ang ABS-CBN ng provisional franchise hanggang Oktubre, ayon sa ABS-CBN ay aabutin pa rin ito nang ilang linggo.
ISYU SA FREQUENCY
Nagpaliwanag naman ang network sa NTC kung bakit hindi nito dapat bawiin ang mga frequency na naka-assign sa ABS-CBN.
Malinaw umano ang intensyon ng Kongreso na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN para kaagad ito makabalik sa ere.
"Recent developments in Congress... strongly indicate that ABS-CBN will soon be granted a new legislative franchise and will be able to resume operations," sabi ng kompanya.
Kapag binawi ng NTC ang frequencies at ibigay sa iba, hindi kaagad makakabalik ang ABS-CBN sa himpapawid at gagastos pa uli sa paglipat sa ibang frequencies.
Kaya apela ng network sa NTC, suspendihin muna ang recall proceedings nito at hintayin ang pasya mula sa SC sa mga nakabinbing mga kaakibat na isyu.
Kabilang dito kung dapat bang sinunod ng NTC ang utos ng Kamara at kung bakit tanging ABS-CBN lang ang pinatigil ang operasyon.
Dagdag pa ng ABS-CBN, sana respetuhin din ng komisyon ang right to due process ng kompanya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, ABS-CBN, ABS-CBN franchise, prangkisa, NTC, SC, Supreme Court, Korte Suprema, TV PATROL, TV PATROL TOP