Sundalo, magsasaka patay sa hiwalay na pamamaril sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 10:51 PM

Patay ang isang sundalo at isang magsasaka sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Maguindanao at North Cotabato.

Katatapos lang magsimba ni Staff Sgt. Miranda Lumbatan sa isang mosque sa Sitio Daiwan, Barangay Tanuel, bayan ng Datu Odin Sinsuat (DOS), Maguindanao noong Biyernes ng tanghali nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman.

Ilang metro lang ang layo ng mosque sa army detachment kung saan nakatalaga ang biktima.

Pero bigo ang mga awtoridad na mahuli ang taong may gawa ng krimen.

Tama ng bala sa dibdib at balikat ang tinamo ng biktima. Naisugod pa ito sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Rido o away pamilya ang sinusundang anggulo ng pulisya sa pamamaril sa biktima.

Base sa imbestigasyon, 3 buwan pa lang ang nakalilipas nang binaril din ang tatay nito.

" 'Yung family feud, kasi ang tatay niya kapitan ng Barangay Tugal, Talitay na binaril somewhere d'yan sa Datu Anggal," ani Police Lt. Col. Sabri Lakibul, hepe ng DOS police. 

Si Lumbatan ang ika-7 sundalo na napatay sa pamamaril ngayong taon lang sa lugar na nasasakupan ng 6th Infantry Division.

Isasailalim na sa ballistic examination ang nakuhang slug at basyo sa pinagyarihan ng krimen.

NORTH COTABATO

Samantala sa bayan ng Carmen, North Cotabato, dead on the spot ang magsasakang si Esmail Namla Kalis (alyas "Teng") matapos pagbabarilin ng kapwa magsasaka sa Sitio Silangan, Malapag noong Miyerkoles ng tanghali.

Papunta umano sa kaniyang sakahan ang biktima nang binaril at tinamaan sa dibdib at ulo.

Agad namang tumakas ang gunman na isa rin umanong magsasaka.

Personal grudge ang nakikitang motibo ng pulisya sa pamamaril.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa taong may gawa ng krimen.

—Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.