SOCO: Lalaki patay, kabarkada sugatan nang mapagtripan ng grupo sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 03:41 PM

 

Namatay ang isang 26 anyos na lalaki habang lubhang nasugatan naman ang 15 anyos na binatilyo matapos pagdiskitahan ng isang grupo sa Bacoor, Cavite noong Abril, 24 2017.

Nasawi sa insidente si Alexis Barba dahil sa tinamong traumatic head injury. Naging kritikal pero nakaligtas naman ang kabarkada nitong si alyas "Earl."

Habang sumasailalim noon sa masusing gamutan si Earl, nagbigay siya ng pormal na salaysay sa mga awtoridad tungkol sa kinasangkutang insidente.

"Umangkas ako kay Alex pauwi. Bigla pong may bumato na sa amin," kuwento ni Earl.

Ayon pa sa kaniya, tila hindi sila nilubayan ng anim na lalaki matapos sumemplang sa motor.

"Doon na po ako pinagbabanatan, tapos binagsakan po ako ng bato. Akala ko katapusan ko na po 'yun," dagdag niya.

Natukoy ng mga awtoridad ang mga suspek dahil nasapul ng CCTV ang nangyaring krimen.

"Nakita natin na may CCTV ang barangay... Napansin natin itong anim na kalalakihan na naglalakad. Makikita naman sa CCTV na talagang walang kamalay-malay 'yung naka-motor na biglang hinampas," ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan ng Bacoor police.

Base sa kanilang imbestigasyon, maaaring napagtripan lamang ang dalawang biktima dahil wala naman daw atraso ang mga ito sa anim na lalaki.

Kinilala ang mga suspek na sina Eugene Alvarez, Doroteo Jose Camacho, Genaro Ugalde, Jomag Magno, KC Francisco, at Jelsen Cuenca.

Sinampahan ang anim ng kasong murder at frustrated murder in relation to child abuse.

Iginiit naman ni Cuenca na wala siyang kinalaman sa krimen.

"Hindi po ako kasama talaga don. Wala po ako sa pinangyarihan. Hindi po ako nambato. Si KC Francisco. Siya ho 'yung pumatay talaga," depensa ni Cuenca.

Sinubukang kunin ng ABS-CBN SOCO ang panig ng iba pang akusado subalit tumanggi na silang humarap sa kamera.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.