PatrolPH

Pinoy, Chinese huli sa tangkang pagpuslit umano ng 2 babae papuntang Tsina

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 02:35 PM | Updated as of May 18 2019 07:29 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA - Arestado ang isang Chinese national at isang Pilipino sa tangka umanong pagpuslit sa dalawang babae papuntang Tsina sa Clark International Airport sa Pampanga nitong Huwebes.

Sa tulong ng Anti-Human Trafficking Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 3, naharang ang Chinese national na si Xianyou Wang, kasama ang isang Pinoy na lalaki.

Kasama nila ang 19 anyos na pamangkin at 13 anyos na anak ng nahuling Pinoy.

Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI na nagsabi ang apat na
babiyahe sila papuntang Hong Kong para magbakasyon pero napag-alamang peke ang mga return ticket ng mga ito.

"Their relationship with the Chinese national and the Filipino national has no any relationship. Ang Chinese siya 'yung nagdadala dito, siya ang nag-sponsor lahat. Ang size up namin dito baka magtatrabaho dun na manggagaling sa kanila," ani NBI Director Dante Gierran.

Base rin sa imbestigasyon ng NBI, na-offload na umano ang parehong grupo sa Ninoy Aquino International Airport noong Mayo 1 dahil hindi raw mapatunayan ang tunay na pakay sa Tsina.

"'Yung mga minor, may preliminary interview din tayo. Sabi nila party party daw. Mamamasyal tapos party party. 'Yung mga matanda,' yung Chinese ang sabi magto-tour. Sa China, sa Hong Kong," ani Gierran.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Chinese national.

Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act si Wang at ang lalaking Pinoy, habang nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office (CSWD) ang 13 anyos at 19 anyos.

-- Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.