2 nangholdap umano sa guro sa Iloilo arestado

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 05:19 PM

ILOILO CITY - Arestado ang dalawang lalaki matapos iturong nangholdap umano sa isang guro nitong Sabado ng madaling araw.

Kuwento ng biktima na si alyas "Rob," naglalakad siya at ang kaibigan sa kalsada ng Barangay Magdalo sa La Paz, Iloilo City nang biglang may dalawang lumapit at nagtanong ng oras.

Pero bigla na lang daw siyang tinutukan ng patalim sa likod at kinuha ang kaniyang sling bag na naglalaman ng wallet, pera, at iba pang mahahalagang gamit.

Naiulat agad ang krimen at matapos ang ilang oras ay natukoy ang mga suspek na napag-alamang 19 at 20 anyos.

Narekober sa dalawang lalaki ang bag ng biktima pero wala na ang pera at ilang gamit.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga arestadong suspek.

Mahaharap ang mga ito sa kasong robbery hold-up.

— Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.