SAPUL SA CCTV: Bisikleta, tinangay ng nangangalkal ng basura

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 05:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nakuhanan ng CCTV ang pagtangay ng isang lalaking nangangalkal ng basura ng isang bisikleta sa Bagong Barrio, Caloocan City Martes ng madaling-araw.

Makikita sa video na palinga-linga at ilang beses na nagpabalik-balik ang kawatan sa may poste kung saan nakaparada ang bisikleta.

Nang makatiyempo ay agad nitong tinanggal ang locked na bisikleta.

Sinakyan ito ng kawatan at nagmamadaling pinatakbo.

"'Yung dala niyang kalakal, iniwan niya na. Mas papakinabangan niya ang bike," ani Noah Cayat, desk officer ng Barangay 138.

Sinamantala umano ng kawatan ang pagkakataon habang abala ang mga taga-barangay sa halalan.

Base sa iba pang kuha ng CCTV, dumadaan ang kawatan sa lugar kada linggo.

Inalerto na rin ng Barangay 138 ang mga karatig lugar dahil baka lumipat sa kanila ang kawatan. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.