Paano mapatutunayang sangkot sa krimen ang isang tao?

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 10:08 PM

Mahalaga ang mga ebidensiya at salaysay ng mga nakakita para mapatunayan ang pagka-inosente o pagkakasangkot ng isang tao sa isang krimen.

Lumabas ito sa talakayan sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM matapos sumangguni ang isang texter na napagbintangan sa krimen.

Kuwento ng texter, mayroong kasayahan ang grupo ng kaniyang kakambal nang bigla umanong dumating ang isa ring grupo na nagkakasayahan, dahilan para magkaroon ng gulo.

Nagpang-abot umano ang dalawang grupo hanggang sa mataga ng itak sa ulo ang isang sangkot sa gulo, na kalaunan ay namatay.

Ayon sa texter, nakatakbo ang kaniyang kapatid ngunit siya ngayon ang isinasangkot sa krimen.

Paliwanag ni Atty. Noel del Prado, maaari pa ring maabsuwelto ang isang taong nasangkot sa krimen kung mapapatunayan ng mga ebidensiya ang pagka-inosente nito. 

"Kasi sa ganitong pangyayari, nagbabatay 'yung ating mga kapulisan sa mga impormasyon na nanggagaling din doon sa mga... mismong nakakita," sabi ni Del Prado.

"Kung sakaling hindi siya talaga 'yon at mayroong ibang mga tetestigo para sa kaniya na mapapatunayan na hindi siya ang mismong gumawa noon, puwede siyang maabsuwelto rin," dagdag ng abogado. 

Ayon pa kay Del Prado, puwede ring matukoy sa mga ebidensiya kung ano ang naging ugat ng alitan sa pagitan ng dalawang grupo.

"Minsan may ebidensiya na lumalabas, mayroon pala silang alitan bago nangyari 'yun, so ibig sabihin... [hindi] basta nagkataon lang na nagkasabay sila, kundi mayroong elemento na nakapagplano at sinadyang mag-provoke o manghamon," sabi ni Del Prado.
 
Maaari namang magsampa ng kaso ang mga nasaktan sa naturang gulo, ayon sa abogado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.