Libreng tuition, monthly allowance, alok sa GSIS scholar

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 10:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libreng pangmatrikula at buwanang allowance ang iniaalok ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga anak o dependent ng kanilang mga miyembro na balak mag-apply bilang scholar. 

Magbibigay ang ahensiya ng pambayad sa tuition at miscellaneous fees na aabot sa P40,000 kada taon, at buwanang allowance na P3,000 sa mga magiging iskolar nito. 

Tatanggap ang GSIS ng 400 na mga bagong scholar ngayong taon.

Ang mga aktibo at regular na miyembro ng GSIS na balak mag-apply ay kailangang pasok sa mga sumusunod na rekisito ng ahensiya:

-    May permanent employee status; 
-    Salary Grade 24 pababa (o may tinatayang buwanang suweldo na P74,000 pababa); 
-    Nasa serbisyo ng tatlong taon pataas; 
-    Nakapaghulog ng premium na kontribusyon ng anim na buwan. 

Pasok din ang mga anak o dependent ng mga permanent total disability pensioner na 60 taong gulang pababa. 

Dagdag ng GSIS, dapat ang anak o dependent ay incoming freshman, mag-aaral ng 4- o 5-year course at natanggap sa kolehiyo o pamantasan na accredited ng Commission on Higher Education (CHED).

Giit ng ahensiya, prayoridad nila ang mga aplikanteng mababa ang suweldo.

Kapag natanggap bilang scholar, hiling lamang ng GSIS na makapagtapos sa tamang panahon.

Ang mga GSIS scholar na magtatapos na may pagkilala ay makatatanggap ng dagdag na reward mula sa ahensiya. 

Para sa mga cum laude ay P20,000, magna cum laude naman ay P30,000, at ang mga summa cum laude ay makakakuha ng P50,000. 

Kung interesadong mag-apply, puwedeng makipag-ugnayan sa pinakamalapit na opisina ng GSIS o kaya ay pumunta sa kanilang website.

Tatanggap ang GSIS ng mga aplikante hanggang June 15.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.