Crane na bumagsak sa lola, 'di aprubadong gamitin' sa proyekto

ABS-CBN News

Posted at May 18 2018 10:23 PM | Updated as of May 18 2018 10:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi aprubadong gamitin sa proyekto ang crane na bumagsak sa isang lolang nagwawalis sa Old Balara, Quezon City nitong Biyernes, ayon sa lokal na pamahalaan.

Tanging tower o stationary crane, hindi mobile crane tulad ng bumigay na estruktura, ang pinayagang gamitin sa proyekto ng Manila Water sa lugar, ayon kay Quezon City Administrator Aldrin Cuña.

Aniya, padadalhan ng kaniyang tanggapan ng notice of violation ang contractor ng proyekto at pagmumultahin din sila dahil sa paglabag sa National Building Code of the Philippines.

Ipatitigil din muna ang proyekto.

Paliwanag ng Manila Water, ang naturang proyekto ay gumagawa ng isang aqueduct o tubong dadaluyan ng supply ng tubig mula sa La Mesa Dam papunta sa Balara Treatment Plant.

Dagdag ng Manila Water, ginagawa ang tubo para matiyak na sapat ang supply ng tubig sa iba-ibang lungsod ng Metro Manila, lalo na't luma na raw kasi ang ibang aqueduct.

Giit din ni Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water, siniguro nilang walang nakatirang residente sa mismong construction site bago sinimulan ang proyekto.

"Hindi ka naman ia-allow na magkaroon ng activity within that area, kung doon mismo sa area ay may nakatira," ani Sevilla.

Sabi naman ni Cuña, informal settlers ang mga nasa paligid ng construction site ng Manila Water.

"Sa right of way ng water services natin, may mga informal settler families doon," ani Cuña. "We're also assisting the MWSS and MWCI to facilitate the relocation."

REKLAMO NG MGA RESIDENTE

Hindi akalain ni Ruth Avendaño na ang kaniyang inang si Rosalina Mendez, 74 anyos, ang nasapul ng bumigay na crane ng Manila Water.

Ani Avendaño, mayroon siyang narinig na bumagsak at nagulat nang tawagin ng mga kapitbahay dahil tinamaan na pala ang kaniyang ina.

"Tinawag na po ako ng mga kapitbahay namin, tapos 'yong mama ko, bali-bali na 'yong buto," ani Avendaño.

Dinala sa ospital si Mendez ngunit kinalaunan ay binawian din ng buhay.

Kinalampag pa ng mga residente ang barracks ng NovaBala construction ngunit walang opisyal ang lumalabas upang magbigay ng pahayag ukol sa insidente nitong umaga ng Biyernes.

Ayon sa mga residente, matagal na nilang inirereklamo ang proyekto dahil sa abalang idinudulot nito sa lugar.

"Ang trabaho nila [laborers] gabi. Kapag umaga, nakaupo, nag-iinuman. Tapos kapag gabi, kapag tulog ang mga tao ay saka sila gagawa," ani Ayen Infante, residenteng nakakita ng pagbagsak ng crane.

"Alam namin na substandard yung ginagamit nila dahil this is the second time already na bumigay 'yong gamit nila," ani Infante sa panayam ng "Kabayan" ni Noli de Castro sa DZMM.

Sa isang pahayag, sinabi ng contractor ng proyekto na iniimbestigahan na nila ang insidente at itinigil muna ang construction habang sinisiyasat ang sanhi ng pagbigay ng crane.

Nagbigay na rin daw sila ng ayuda sa pamilya ng nasawing biktima.

"We, NovaBala JV Corp., confirm that the crane of one of our subcontractors, Bauer Foundations Philippines, Inc. figured in an accident early this morning at the Old Balara project site in Quezon City. A woman who lives near the project site died as a result of the accident. We have temporarily stopped construction work at the site while we conduct an investigation to determine the cause of the accident. We are extending assistance to the family of the victim," saad ng pahayag ni Ferdie Borja, NovaBala JV Corp. health, safety, and environment manager.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.