Sundalong nanlaban umano sa pulis, patay sa drug bust sa Koronadal

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 09:20 PM

Courtesy: Koronadal City Police

KORONADAL CITY – Patay matapos umanong manlaban sa mga pulis ang isang sundalo sa isang drug bust na isinagawa Miyerkules ng gabi.

Patay si Private First Class Richie Librado ng Task Force Talacudong laban sa City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) ng Koronadal City, at sugatan naman ang isang opisyal ng Koronadal City Police na si Senior Inspector Ramil Aruelo.

Nagkaengwentro ang mga pulis at ang sundalo sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay San Jose.

Naaresto naman ng mga pulis sina Herbert Deloso, Ericson Ligaya, at Ronald Dangautan.

Nakuha umano sa mga suspek ang mahigit P30,000 halaga ng methamphetamine hydrochloride o “shabu”, mga drug paraphernalia, 12-gauge rifle, single shot pistol na kalibre 5.56, at mga bala.

Tumanggi naman ang mga suspek sa alegasyon ng mga pulis.

“Hindi ko alam, hindi man ako naga-benta nun,” sabi ni Deloso.

Courtesy: Koronadal City Police

Ayon kay Police Senior Superintendent Franklin Alvero, provincial director ng South Cotabato Police Provincial Office, si Deloso ang target ng operasyon.

Nagtangka raw tumakas si Librado at binaril si Aruelo sa kaliwang binti.

“Hindi rin alam ng mga personnel natin, ng tropa natin na mayroon palang member ng Philippine Army doon sa mga kasamahan ng grupo," ani Alvero.

"That’s why parang normal o usual na operation lang na ‘pag pumasok, huhulihin. Then, yun pala may sundalo siya. So may baril kaya dun na, dahil binaril nya yung tropa natin kaya dun nagsimula yung putukan, yung bakbakan hanggang namatay yung sundalo.”

Ayon sa Action Officer ng City Anti-drug Abuse Council (CADAC) na si Dr. Glorio Sandig, kalat na umano sa barangay ang pangalan ni Deloso na sangkot sa illegal drug trade. 

“Itong namatay na si PFC Librado, ito’y mga sumasampa sa kanya. At nakatiyempuhan lang naman dun silang lahat. Pero malimit daw itong tatlong ito na nagpupunta doon. Parang ginagawa na nilang drug den yung lugar na 'yun,” sabi ni Sandig.

Patuloy namang ginagamot sa ospital si Aruelo.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng napatay na sundalo, nasa Maynila din umano ang kanyang misis.

Naka-leave umano ngayon si Librado habang inaayos ang mga papeles sa pagreretiro sana nito.

Nakatakda namang sampahan ng kasong selling at possession of dangerous drugs ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.