Social benefits card, pambawi sa epekto ng buwis

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 12:06 AM

Pinag-uusapan sa Kamara ang paglalabas ng isang social benefits card para tumulong sa mga mamamayan na maaaring maapektuhan ng mga pagbabago sa batas sa pagbubuwis. 

Ang panukala ay kasabay ng itinutulak ng gobyerno na pagpapababa ng personal income tax, na parte ng isinusulong na Comprehensive Tax Reform Package. May kritisismo naman ang ilang mambabatas at mamamayan sa panukalang ito. 

Sa social benefits card idadaan ang lahat ng subsidy o ayuda ng gobyerno, gaya ng ayuda sa mga senior citizen, diskuwento sa produktong petrolyo o gamot, at iba pang tulong ng gobyerno sa hinaharap. Bukod pa ito sa Conditional Cash Transfer (CCT) program at sa itatatag na Unconditional Cash Transfer program. 

"Kung ikaw ay isang CCT beneficiary, at ikaw rin ay senior citizen, e di doble sa iyo. Pag ikaw naman ay hindi senior citizen, e di 'yung cash assistance ang laman ng iyong card," ayon kay Rep. Dakila Carlo Cua, chair ng House ways and means committee. 

Kailangan pa rin namang i-redeem ang makukuhang benepisyong angkop para sa indibidwal.

"Hindi naman magkaka-cash 'yung card. Ire-redeem mo pa rin 'yun. But it entitles you to benefits according to what the Office of the President, or the government, will see fit for you," dagdag pa ni Rep. Cua. 

Ang bisa nitong card ay tatlong taon, dahil kalakip ito ng isinusulong na Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) ng gobyerno. Layon ng CTRP na ibaba ang personal income taxes, o ang buwis mula sa personal na kinikita.

Iginiit naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na masakit sa middle class at mahihirap ang panukalang CTRP dahil sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin. 

"This bill will definitely hit the poor hard because it would mean higher prices of basic goods and services. Another adverse effect of this bill is that it will also hit the middle class hard," ani Rep. Zarate. 

Hindi natutuwa rito ang ilang mamamayang maituturing na middle class, gaya ni Mabelle, isang guro sa pampublikong paaralan na may mahigit P20,000 na sahod kada buwan. Aniya, pakiramdam niya ay nakaligtaan sila ng gobyerno. 

"'Yung middle class, I don't think tatawagin silang middle class. Tingin ko, mahirap na rin sila. Mahirap na rin kami. Magkakaroon ba ako ng take home pay na P5,000 kung tingin ko, mayaman ako?" ani Mabelle. 

Ayon pa kay Rep. Salvador Belaro, hindi rin umano masyadong napag-aralan ang magiging epekto ng CTRP sa mga middle class, kaya isa ito sa mga kritisismo sa nasabing panukala.

Lumabas na sa survey ng mayorya na ang pangunahing ikinababahala ng mga kongresista ay ang epekto ng pag-alis sa VAT exemptions at pagdagdag ng buwis sa petrolyo. 

Marami-rami rin umano ang hindi pa kumbinsido rito, kaya puwede pang magsumite ang mga kongresista ng panukalang amyenda hanggang Lunes. Subalit ngayon pa lang, desidido na ang Kamarang aprubahan ito sa katapusan ng buwan. 

Giit pa ng gobyerno, lahat ay makikinabang ngunit hindi pare-pareho o magkakasinlaki ang ganansiyang makukuha. Imbis na ang dagdag gastos ang isipin, dapat umanong mas pagtuunan ng pansin ang perang maipantutustos ng gobyerno sa serbisyo publiko. 

"Everyone's a winner in the CTRP, but some will be bigger winners than others. Don't just look at the partial impact of higher taxes. It depends also on how the additional revenues will be used by governments," ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno. 

Nasa 40 porsiyento ng kikitain ng gobyerno sa pagtaas ng buwis sa petrolyo ay gagamiting pampondo sa card. Nasa P300 bilyon naman ang inaasahang kita ng gobyerno sa CTRP. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.