Scaffolding bumigay, 3 construction workers sugatan

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 12:51 PM

CEBU CITY – Tatlong construction workers ang sugatan matapos na bumagsak ang tinatayuan nilang scaffolding sa ginagawang gusali sa Barangay Tejero, Huwebes ng madaling araw.

Nakilala ang mga nasugatan na manggagawa na sina Jessie Revillas, Sanico Sario, at Jondel Villaver.

Ang tatlong manggagawa ay nasa itaas ng scaffolding ng ginagawang Lite Shipping Corporation sa MJ Cuenco Avenue nang bumigay ito. May apat na metro din ang taas ng pinaghulugan nila sa ika-pitong palapag ng gusali.

Agad namang nagpadala ng emergency rescue team si Cebu City Councilor Dave Tumulak nang mabalitaan ang aksidente. Isinara rin sa publiko ang construction area.

Samantala, inabisuhan naman ng Office of the Building Official ang pagpapatigil sa konstruksiyon dahil sa kawalan umano ng dokumento para sa kanilang permit.

Pero giit ng kinatawan ng kumpanya na si Engr. John Polistico na naisaayos na nila ang kulang na dokumento.

Tinawag na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang atensiyon ng Devlarn Ventures and Development Corporation, kasama ang iba pang manggagawa nito, hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.