Pumalaot na mangingisda, 3 araw nang nawawala

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 05:17 PM

MAGSINGAL, Ilocos Sur – Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang pamilya ng isang mangingisdang hindi pa nakakabalik matapos na pumalaot tatlong araw na ang nakalipas.

Mag-isang pumalaot si Daniel Villasper noong Mayo 15 at hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik. 

“Nag arkila ako ng bangka para hanapin siya, tapos tanghali na wala pa rin yung naghanap sa kanya,” ani Asuncion Umali, live-in partner ni Daniel. 

Isa sa mga kabarangay nila na pumalaot ng araw na iyon ang nagsabing lumakas ang hangin, malalakas ang kulog at kidlat kaya sila nagmadaling umuwi at hindi na nila inaantay pa ang iba pang mangingisda.

“Naghanda na kaming umuwi kasi ayaw naming maabutan ng malakas na hangin. Nag uunahan na kaming umuwi kasi natatakot kami sa kidlat lalo na’t nasa laot pa kami. Yung mga gamit kasi naming ilaw de baterya, baka doon tumama ang kidlat. Madami na kasing namatay dahil doon,” kwento ni Romeo Usita.

Kahapon ay nabalitaan nila na may nakuhang naisadsad na bangka at nakuha ito ng mga mangingisda ng Barangay La Paz sa Laoag City. Nagtungo sila doon para kumpirmahin kung kay Villasper ito.

Naiuwi naman nila ang bangka at kumpleto pa ang gamit sa pangingisda ni Villasper.
 
“Malapit na daw yung bangka baka mga tatlong milya. Kumpleto naman ang gamit niya sa pangingisda pero walang taong nakita sa loob. Muntik na nga nilang iwan yun pero sabi nung mas batang kasama nila na nakakita sa bangka na hatakin na lamang nila,” dagdag ni Umali.

Nanawagan naman si Umali na kung sakaling napadpad siya sa mga kalapit na lugar ay ipagbigay-alam sa mga otoridad upang agad nilang masundo.

Isinalarawan si Villasper na may taas na 5’5”at katamtaman ang pangangatawan. Nakasuot ito ng pulang sweatshirt at jogging pants nang pumalaot sa dagat.

Nararamdaman naman ng kanyang pamilya na buhay pa ito at makakauwi ng maayos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.