PAALALA: Pag-angkas ng mga bata sa motorsiklo, bawal na

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 11:22 AM

Ipatutupad na sa Biyernes ang batas na nagbabawal sa mga motorcycle rider na bumiyahe sa mga pampublikong kalsada habang may angkas na bata.

Sakop ng Republic Act 1066 or ang Children's Safety on Motorcycles Act of 2015 ang lahat ng pampublikong kalsada sa buong bansa tulad ng national highways, provincial roads, municipal at barangay streets.

"This also includes roads where there is a heavy volume of vehicles, there is a high-density of fast moving vehicles, or where a speed limit of more than 60 kph is imposed," ayon sa paalala ng Department of Transportation.

Pasok sa batas ang mga batang 18-taong gulang pababa na sakay ng two-wheeled na motorsiklo na may isa o dalawang upuan.

Papayagan lamang na mag-angkas ng bata kung kaya na nitong maabot ang foot pegs ng motorsiklo, may suot na tamang standard protective helmet o gear; at buong kayang makayakap sa baywang ng motorcycle rider.

Pero paalala din ng DoTR na bawal ang mag angkas ng mga bata sa harapan ng rider.

Sakaling may emergency, papayagan din ang mga bata na maiangkas sa motorsiklo upang mabigyan ng dagliang atensiyong medikal.

Ang DoTR-Land Transportation Office ang pangunahing tatayong implementing agency ng nasabing batas. Ang LTO din ang may awtoridad na mag-deputize ng mga miyembro ng Philippine National Police, Metropolitan Manila Development Authority at local government units upang tiyakin na naipapatupad ang batas.

Ang mga mahuhuling lalabag sa batas ay mumultahan ng P3,000 at P5,000 sa una at ikalawang pagkakataon; P10,000 sa ikatlong beses ng paglabag sa batas at isang buwang suspensiyon ng lisensiya ng rider.

Ang lalabag sa higit pa sa tatlong beses ay papatawan ng awtomatikong pagbawi ng kanyang lisensiya.

"This is a proactive and preventive approach to secure the safety of child passengers. It is the policy of the State to protect children," dagdag ng DoTR.

Taong 2015 ng lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.