Mga lumalabag sa Anti-Distracted Driving Law, sinimulan nang hulihin

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 01:18 PM

Pinatabi ng isang MMDA enforcer ang isang van na nakitang lumalabag sa Anti-Distracted Driving Law sa may Quezon City. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

QUEZON CITY- Sinimulan na ngayong Huwebes ang pagpapatupad sa Anti-Distracted Driving Law.

Kaninang alas-8 ng umaga, hinuli ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang UV Express driver na si Ronell Balier na nagbaba ng pasahero sa MRT North Avenue station at nakitaan ang kaniyang sasakyan ng isang malit na TV monitor na nakapatong sa dashboard.

Pinatabi si Balier at nagpaliwanag na akala niya mga cellphone lang ang pinagbabawal na gamitin habang nagmamaneho sa ilalim ng bagong ipinapatupad na batas. 

Nilinaw naman sa kanya na kasama ang anumang uri ng gadget sa ban. Ikinatuwiran pa nito na sarado naman ang TV pero sinabi sa kaniya ng enforcer na TV pa rin iyon kaya't bawal.

Hindi umubra ang paghiling ni Balier na bigyan na lang siya ng warning.

Ayon sa taga-MMDA, matagal nang ibinabalita ang bagong batas kaya walang takas.

Wala nang nagawa si Balier kundi ipatong ang palad sa mukha at tanggapin ang tiket para sa P5,000 na multa sa unang beses na paglabag sa bagong batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.