Lalaki pinagsasaksak ng kapatid sa Ilocos Norte

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 09:35 PM

Pinatay umano ng suspek na si Meynard Molina ang kanyang kapatid matapos ng hindi pagkakaunawaan. ABS-CBN News

BANGUI - Patay ang isang lalaki matapos ito umanong pagsasaksakin ng kanyang kapatid noong Miyerkoles sa bayan na ito sa Ilocos Norte.

Arestado ang suspek na si Meynard Molina, 30 taong gulang, para sa umanong pagpatay sa kanyang kuya na si Mark Anthony Molina, 32.

Ayon sa mga imbestigador, nag-inuman ang magkapatid sa kanilang tirahan sa Barangay Dadaor nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

"Matagal na kasi silang hindi magkaintindihan. Lagi silang nag-aaway,” ani PO3 Flor Cosning, imbestigador sa Bangui police station.

Nagtamo ng sugat sa iba't-ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Nakuha ng mga pulis ang kutsilyo na ginamit umano ng suspek.

Sinampahan na ng kasong homicide ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.