Holdaper pinigil ng kapwa-suspek sa pagnanakaw, arestado

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 03:08 PM

MANILA -- Mismong mga suspek ang pumigil sa kasamahan nila sa panghoholdap sa Pasig City nitong Huwebes ng madaling araw.

Kuwento ng biktimang si "Mark," naglalakad silang magkasintahan dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa Ortigas Avenue extension nang huminto sa tapat nila ang isang tricycle lulan ang mga suspek na sina Romeo Avelino, Jr., Jovan Tepoc at Jay-ar Torrecampo.

Bumaba umano ang driver na si Torrecampo at nagdeklara ng holdap.

"Tinutukan kami ng driver. Kinukuha ang bag, 'di kami nakipag-agawan," kuwento nito.

Tiyempo namang nagroronda ang mga tanod ng Barangay Rosario kaya nakita nila ang komosyon.

"Akala namin pangungursunada lang. Nang sinita na namin, biglang humarurot kaya sinundan namin hanggang sa mabangga sila. May tumakas at hinabol pa namin," kuwento ni Joe Marie Pranisa, lider ng barangay security force. 

Depensa nina Avelino at Tepoc, nadamay lang sila sa krimen na pakana umano ni Torrecampo, na iba umano ang sinabi na gagawin nila.

Banggit ni Tepoc, "Sabi lang sa amin manonood kami ng live show." 

"'Di namin alam na ganoon ang gagawin. Kakain lang ang usapan. Kaya po kami tumirik, kakaawat ko na ihinto na ang sasakyan," ani Avelino.

Sa kabila nito, desidido ang mga biktima na ituloy ang reklamo.

Nakuha naman mula sa mga suspek ang isang bolo at ang bag ng biktima.

Paalala ng barangay na iwasang maglakad sa lansangan kapag dis-oras ng gabi. Kung hindi maiiwasan, lihisan na lamang anila ang mga daang madilim at walang masyadong tao. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.