Daan-daang motorista, huli sa distracted driving

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 07:32 PM | Updated as of May 19 2017 12:45 AM

Daan-daang motorista ang nahuli sa unang araw ng pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act o batas na nagbabawal sa paggamit ng gadget sa paraang nakalilito habang nagmamaneho.

Sa Metro Manila, higit 400 na motorista ang nasampolan ng Land Transportation Office bagamat ayon sa hepe nito, hindi pa sila tumodo sa paghihigpit. 

Halos 100 motorista naman ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na lumabag sa Anti-Distracted Driving Act sa pamamagitan ng no-contact apprehension policy ng ahensiya. 

Ang nasabing polisiya ang ginamit ng MMDA sa pagpapatupad ng batas dahil mas madali raw makakuha ng ebidensiya ng mga paglabag ng mga motorista.

Hagip ng mga CCTV camera sa Metrobase ang lahat ng sasakyang bumabaybay sa EDSA, C5, Commonwealth Avenue, at Mabuhay Lanes at sinu-zoom in ito sa plaka ng sasakyan at naka-screen grab ang aktong paggamit ng cellphone.

Makatatanggap ng notice ang mga lumabag matapos ang dalawang linggo at kalakip nito ang picture o screen grab ng aktong paglabag sa batas.

Multa sa mga lalabag sa batas

Kapag nahuli, wala sa batas na kukumpiskahin ang cellphone. Titiketan lamang at magbabayad ng P5,000 sa unang paglabag; P10,000 sa pangalawa; P15,000 at suspensiyon ng lisensya sa pangatlo; at P20,000 at tatanggalan na ng lisensiya kapag higit sa tatlo.

Pero mas matindi ang multa kapag nahuling lumalabag sa batas malapit sa isang paaralan.

"Kapag ang violation nangyari within 50 meters of school, kahit first offense pa lang, P30,000 na and immediate suspension of drivers license for three months," ani Department of Transportation Assistant Secretary Leah Quiambao.

Paglilinaw ng DOTr

Nilinaw naman ng Department of Transportation (DOTr) ang ilang tanong ng mga motorista tungkol sa probisyon ng Anti-Distracted Driving Act.

Ayon sa DOTr, maaari pa ring gumamit ang mga motorista ng navigational apps tulad ng Waze basta hindi ito hahawakan habang nagmamaneho at hindi ilalagay sa ibabaw ng dashboard at sa anumang bahagi ng windshield. Hindi rin dapat ilagay o ipatong ang gadget sa likod ng manibela.

Payo naman ng driving expert na si Wayne Jacinto, maaaring bumili ng holder na kinakabit sa aircon at doon ilagay ang gadget. 

Paglilinaw pa ng DOTr, maaari ring sumagot ng tawag ngunit dapat hands-free o gumamit ng earphones. 

Pero hindi puwedeng gamitin ang earphones para makinig ng music o video kaya dapat hindi nakababad sa tenga ang mga ito.

"Ang danger kasi kapag nakadikit sa ears palagi, paano mapo-prove sa traffic enforcer na wala kayo kinakausap. Kung hindi ginagamit, maaring tanggalin na lang para walang hinala o suspetsa na nakikinig ka ng music," paliwanag ni Quiambao.

Ang dash cam ay puwede rin ngunit dapat nasa likod ng rear view mirror.

Puwede rin ang mga built-in na TV at GPS na nasa central console pero bawal ang nasa ibabaw ng dashboard.

Paalala ng DOTr sa mga motorista, kung mahuli ay huwag nang suhulan pa ang mga enforcer at magbayad na lamang nang tama. Ngunit mas mabuti pa rin anila kung lahat ay susunod sa batas.

-- Ulat nina Jorge Cariño, Doris Bigornia, at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.