Barangay chairman at kapatid, tiklo sa drug bust

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 04:19 PM

BALINGASAG, Misamis Oriental – Dinakip ng operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang barangay chairman at kapatid nito sa isinagawang raid sa kanilang bahay sa Misamis Oriental.

Sa bisa ng search warrant, sinalakay ng PDEA ang bahay ni Barangay Cogon Chairperson Robert Anthony Valmores sa Balingasag.

Ang pagsalakay ng awtoridad ay bunsod ng matagumpay na test buy dalawang araw bago ikinasa ang operasyon.

Nakuha mula sa bahay ni Valmores ang sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P4,000, cellphone at mga paraphernalia 

Nakumpiska din mula sa bahay nito ang isang China-made AK47 rifle, isang caliber .45 pistol, at halu-halong bala.

Maging ang kapatid ni Valmores na si Rey Necito Valmores ay inaresto ng awtoridad matapos na makitaan ng sachets ng shabu sa loob ng kanyang kwarto.

Nahaharap ngayon ang magkapatid sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Illegal Possession of Firearms and Ammunitions.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.