Bakit tumatanggi ang Pilipinas sa tulong ng EU

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 08:23 PM | Updated as of May 19 2017 12:39 AM

Desidido na si Pangulong Duterte na hindi na tatanggapin ng Pilipinas ang ayudang pinansiyal mula sa European Union (EU) dahil sa kaakibat daw nitong kondisyon. 

Mahigit 20 bansa sa Europa ang kasapi ng EU na magbibigay ng tulong sa bansa kapalit ng pagsunod ng Pilipinas sa rule of law. Pero para sa Pangulo, isa itong uri ng panghihimasok.

Pero ayon naman kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi lahat ng halos USD280 milyon o katumbas ng halos P14 bilyong ayuda mula EU ang tatanggihan ng Pilipinas.

Tatanggap pa rin daw ang Pilipinas ng humanitarian aid o iyong tulong tuwing may kalamidad.

Noong isang linggo lang, ibinalita pa ni Ambassador Franz Jessen ng EU na hindi nito ititigil ang tulong para sa Pilipinas. Katunayan, pumalo na raw sa 300 milyon euros ang ibubuhos ng EU sa ating bansa hanggang taong 2022 at karamihan daw niyan ay mapupunta sa Mindanao.

Sa kabila ito ng pagkabahala ng EU sa mga kaso ng patayan sa gitna ng kampanya ng administrasyong Duterte kontra droga. 

Nilinaw ng Malacañang na tuloy pa rin ang mga kasalukuyang proyekto na pinopondohan ng EU hanggang matapos ito.

Hindi rin daw pinuputol ng Pilipinas ang ugnayan nito sa EU.

Patunay ang pagkakatalaga ni dating Senate President Edgardo Angara bilang special envoy ng Pangulo sa EU.

Lilinawin pa rin daw ng Department of Foreign Affairs ang saklaw ng naging pasya ng Pangulo.

Nanawagan naman si Sen. Bam Aquino sa pamahalaan na klaruhin ang direksiyon ng foreign policy nito lalo na at mamamayan ang direktang maapektuhan nito.

Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, maaari namang humindi ang gobyerno sa tulong ng ibang bansa basta titiyakin ng pamahalaan na may pondo ito para tugunan ang pangangailangan ng lahat ng maaapektuhang komunidad.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.