2 lalaki, patay sa gantihan ng taga sa Albay

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 09:26 PM

ALBAY—Dalawang lalaki ang patay sa gantihan ng taga sa Sitio Kadlom, Barangay Basicao Coastal, Pio Duran dito nitong Huwebes matapos ang away sa isang sayawan.

Matinding tama sa katawan ang tinamo ni Manuel Patiam, 62, matapos siyang tagain ni Dominador Pautan alas 5 ng umaga.

Agad sumuko si Pautan, pero bago pa ito madala sa pulisya ay inabangan na ito ng anak ng kanyang biktima na si Manuel Patiam Jr. at ng pinsan nito na si Marjel Rivera.

Pinagtataga ng magpinsan si Pautan.

Sa tindi ng tama ay halos magkahiwahiwalay ang ilang parte ng katawan nito.

“Ang nangyari po nito, nung gabi. Bali nagka-anohan sa sayawan si Manuel Patiam tapos si Dominador, nagkainitan siguro sa sayawan. Then nakainom 'to si Dominador Pautan, hindi na siguro maatim na may... yung ginawa sa kanya parang may kamrot na nasaktan din, bumawi,” ani Police Insp. Darwin Sevilla, deputy chief ng Pio Duran Philippine National Police.

Ayon kay Manuel Jr., wala raw siyang pagsisisi at handa niyang harapin ang anumang kasong isasampa sa kanya.

"Hindi ko naman dapat 'yun pagsisihan kasi talagang sinadya kong ginawa yun kasi tatay ko yung pinatay nya eh. Kaya dapat lang na tumabla sila,” aniya.

Kasong murder ang hinaharap ng magpinsang Patiam at Rivera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.