2 kilo ng shabu nakumpiska sa umano'y miyembro ng sindikato

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 12:05 PM

MANILA - Tinatayang P8 milyon na halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang Tsino na miyembro umano ng transnational Chinese drug syndicate sa Pasay, Miyerkoles ng gabi. 

Nahuli ang suspek na si alyas "Davidson" matapos magbenta ng P1 milyon halaga ng droga sa isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpanggap na buyer sa Macapagal Avenue. 

Nang halughugin ang kotse ni Davidson, narekober ang 250,000 pesos na pera at isa pang kilo ng shabu. 

Nasa P8 milyon ang kabuuang street value ng 2 kilo ng shabu na nakuha sa kanya. 

Itinanggi naman ni Davidson na sa kanya ang mga nakuhang droga at pera. 

Aniya, 15 taon na siyang nagnenegosyo ng kahoy sa Davao at galing lang siya ng casino nang mahuli. 

Pero iginiit ni ni Wilkins Villanueva, direktor ng PDEA-National Capital Region, na isa si Davidson sa pinakamalaking distributor ng shabu sa Metro Manila. 

Susubukang tugisin ng PDEA ang iba pang kasama ni Davidson. Aalamin rin ang totoo niyang pagkatao dahil puro pekeng ID at magkakaibang pangalan ang kanyang ginagamit. 
 
Ang pag-aresto kay Davidson ay bahagi ng "Operation Full Metal Jacket" na ikinasa ng PDEA laban sa mga Pilipino at Chinese na nagpapalaganap ng droga sa bansa. 

 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.