2 holdaper, timbog matapos saksakin at kuryentehin ang isang taxi driver

Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 05:53 PM

Timbog ang isang lalaki at babaeng holdaper-karnaper na sumaksak at nanguryente sa isang taxi driver sa New Manila, Quezon City (QC).

Kinilala ng QC Police District (QCPD) ang mga naaresto na sina Jade Bertoldo, 23, at Jessa Lopez, 18. 

Nahuli sa CCTV ang komosyon at pagsubok ng driver na makatakas sa mga suspek. 

Ilang beses sinubukang isara ng biktima ang pintuan ng sasakyan dahil inuundayan na pala siya ng saksak at stun gun ng dalawang sakay niya. 

“Bigla na lang po ako sinaksak nung lalaki at kinuryente naman ako ng isa pang babae, mga bata ang hitsura hindi ko napagkamalan,” ani ng biktima.

Matapos nito, tumakbo ang dalawang suspek tangay na ang perang kinita ng driver. 

Hinabol sila ng biktimang driver na nakahingi na rin ng tulong at saktong may mga pulis na malapit sa lugar kaya nasakote ang mga suspek. 

Tadtad ng saksak ang biktimang driver na tumangging magpakita ng mukha at magbigay ng pangalan para sa kaniyang kaligtasan. 

Positibo niyang itinuro ang dalawang suspek.

Narekober naman ng QCPD ang patalim at stun gun mula sa mga suspek. 

"Mga karnaper din ang mga ito kotse talaga ang pakay nila at secondary na lang ang holdap kung pagbabatayan natin ang kwento ng biktima,” ani Chief Supt. Guillermo Eleazar, District Director ng QCPD.

Iginiit naman ng isang suspek na hindi sila karnaper.

Humaharap sa mga kasong frustrated murder, robbery hold-up at attempted carnapping ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.