119 motorista, huli sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Act

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 09:16 PM

Higit 100 motorista ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng pagpapatupad sa Anti-Distracted Driving Act (ADDA).

Ayon sa datos ng MMDA, mayroon nang 119 na lumabag sa ADDA, simula 6 a.m. hanggang 6 p.m. Huwebes.

Ang mga nagmamaneho ng motor ang nanguna sa mga violators. Nagtetext ang mga drivers ng motor sa sandaling makarating sa intersection at nakahinto roon.

Sa pamamagitan ng No Contact Apprehension Policy, nabidyuhan ang mga violator sa akto ng pagsuway sa basta na nagbabawal na mag-text, tumawag o gumamit ng navigational applications sa mobile phones habang nagmamaneho o habang nakahinto sa mga intersection.

Ito ang ginamit ng MMDA sa pagpapatupad ng batas dahil mas madali daw makakuha ng ebidensiya ng paglabag ng mga motorista.

“Kung fast moving ang mga sasakyan, it will be very hard for us na tutukan yung mga plate number at makuha yung ebidensya na kailangan natin,” ani Celine Pialago, spokesperson ng MMDA.

Ive-verify ng MMDA sa Land Transportation Office ang plaka ng mga nahuli sa closed circuit television cameras na nakalagay sa mga pangunahing kalsada.
 
Kapag nakuha na ang pangalan ng may-ari ng sasakyan at kanilang address, matapos ang dalawang lingo ay makatatanggap na ng notice ang mga lumabag sa batas.

Kalakip sa notice ang picture o screengrab ng akto ng paglabag.

Ang multa sa paglabag ng ADDA ay P5,000. Kung sakaling hindi pansinin ang notice, maaari ring hindi ma-renew ang lisensya.

“Kailangang i-settle nyo agad-agad yun kasi magkakaroon ng damage ‘yung lisensya nyo sa LTO kapag nag-renew kayo at kapag hindi nyo ma settle in two months' time pwede kayo padalhan ng summons,” ani Pialago.

Maaari namang ilaban sa Traffic Adjudication Board kung sa palagay ng nabidyuhan ay wala siyang kasalanan. Dalawang buwan hanggang isang taon maaaring abutin ang kaso.

Kung sa tingin mo ay lumabag ka sa ADDA, pwedeng tignan sa Facebook page ng MMDA kung nakalista ang plaka mo.

Pinawi rin ng MMDA ang agam-agam na maaring maging source ito ng kotongan.

Ang mga CCTV daw ay nakatutok kung saan naka-deploy o nakapwesto ang mga enforcer.

Kapag napatunayang nangingikil ang enforcer, maaaring masibak ito sa trabaho.

Magdaragdag pa bukas ang imomonitor ng metrobase dahil epektibo na rin ang batas para sa proteksyon ng mga bata na isinasakay sa mga motorsiklo.

Bawal umangkas ang bata sa motor kung hindi nito abot ang foot peg, kung hindi nayayakap ang bewang ng driver, at kung wala itong helmet.