PatrolPH

Umano'y nang-hit-and-run sa palaboy sa Laguna, sumuko

ABS-CBN News

Posted at May 17 2022 06:18 PM | Updated as of May 17 2022 10:51 PM

Watch more News on iWantTFC

Sumuko ngayong Martes sa pulisya ang isang lalaking naka-hit-and-run umano sa isang palaboy sa Pagsanjan, Laguna.

Sa video ng insidenteng nag-viral sa social media, mapapanood ang isang lalaki na nakaupo sa gitna ng kalsada noong madaling araw ng Lunes.

Iniwasan ng isang kotse ang lalaki pero ang nabangga at nagulungan siya ng kasunod na asul na kotse.

Hindi tumigil ang sasakyan at sa halip ay dumiretso papunta sa direksiyon ng Santa Cruz, Laguna.

Nitong umaga ng Martes, lumutang sa tanggapan ng Pagsanjan police ang isang lalaki na umaming driver ng kotseng nakasagasa sa lalaki.

Ayon sa driver, papunta silang Calamba ng kaniyang misis nang mangyari ang insidente at hindi niya napansin ang lalaki.

Dumepensa ang driver at sinabing hindi niya tinakasan ang lalaki. Binalikan aniya niya ito pero may nakitang ambulansiyang rumesponde na.

Nagulat ang driver nang mag-viral ang insidente sa social media.

Stable na ang kondisyon ng nabanggang lalaki, na kasalukuyang nasa pagamutan.

Nangako naman ang driver na sasagutin ang gastusin sa ospital.

Wala pa ring pagkakakilanlan ang nabundol na lalaki dahil dayo umano ito sa lugar. Hindi rin siya makausap nang maayos dahil may diperensiya sa pag-iisip, ayon sa pulisya.

— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.