60 katao ang nagbayanihan sa Igbaras, Iloilo upang mailipat ang isang bahay doon nang walang kapalit. Courtesy: Em-Em Orbita
Hindi lamang makikita sa libro at pelikula ang bayanihan. Hanggang ngayon, nangyayari pa rin ito sa tunay na buhay, tulad na lamang sa Iloilo kamakailan.
Ibinahagi nina Bayan Patroller Em-em Orbita at Juliem Esgrina ang mga litrato at video ng pagbabayanihan ng 60 katao para mabuhat ang isang bahay sa bayan ng Igbaras, Iloilo nitong Linggo.
Nakapatong ang naturang bahay sa mga kawayang pasan ng mga kalalakihan, habang ang ilan naman ay gumagabay at nagtataas ng mga wire upang hindi ito sumabit.
Kuwento ni Bayan Patroller Em-em Orbita, itinayo ang bahay noong 2017 bilang isang rest house.
At dahil may bago nang nagmamay-ari sa bahay, kailangan na itong ilipat sa lote ng bagong may-ari.
"Inilipat po ito sa lote ng aking kapatid na bagong nagmamay-ari nito. Inilipat ito dahil papatayuan ng bagong bahay ang naturang lugar kung saan nakatayo ang nasabing rest house," ani Em-em.
Aniya, mga kaibigan at kapamilya ang nagtulong-tulong sa paglipat nito sa lote na may layong 200 metro mula sa orihinal na lugar nito.
Pagod man at mahirap, kusa pa ring tumulong ang kalalakihan na walang anumang kapalit na hiningi, ayon kay Em-em.
"Buhay na buhay pa ang bayanihan sa aming lugar at nagapapasalamat po kami na maraming taong tumulong sa pagbuhat nito. Dito rin naipapakita na ang tao ay nagtutulungan kahit walang anumang kapalit na bayad (dagyaw po ang local term po dito sa amin)," sabi ni Em-em.
Bilang pasasalamat, sinuklian ng pamilya ni Bayan Patroller Em-em ang mga tumulong sa isang salu-salong tanghalian.
—Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.