PatrolPH

2 Chinese na sangkot sa pagdukot sa isang Vietnamese, arestado sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at May 17 2022 04:44 PM | Updated as of May 17 2022 05:21 PM

Arestado sa Pampanga nitong Lunes ang dalawang Chinese na sangkot umano sa pagdukot sa isang Vietnamese.

Mayo 11 nang dukutin ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang biktima sa Makati City. Iniulat ito sa tanggapan ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group noong ika-13 ng Mayo.

Sa pakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima, idineposit ang ransom demand na P600,000 sa account ng mga kidnapper sa Fontana Casino sa Clark, Pampanga kung saan namonitor din ang pagwithdraw nito.

Bandang 11:00 p.m., pinakawalan ang biktima sa harap ng isang food chain sa Angeles City. Sa pagkakaligtas sa biktima, ikinwento nito ang mga ginawa sa kanya. 

Ayon sa biktima, bago ang kanyang paglabas sa gusali, isang hindi kilalang Filipinong drayber ang nagdala sa kanya sa nasabing lugar gamit ang isang pulang kotse. 

Sinabi rin niya na dinala siya sa ika-6 na palapag ng isang hotel sa Mabalacat City. 

Kaagad na nagtungo ang mga operatiba ng AKG sa nasabing hotel at nakipag-ugnayan sa mga security personnel na kinumpirmang kapapasok lamang ng hinahanap na pulang kotse.

Sa paghahanap sa parking lot, 3 Chinese ang biglang dumating sa parking area. Ang isa sa kanila, nakaposas pa.

Kaagad na inaresto ang 2 Chinese nationals na aktong tatakas.

Napag-alaman rin na isa pang biktima ng pagdukot ang Chinese na nakaposas.

Mahaharap ang mga nahuling suspek sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

- ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.