Nasa P3-M halaga ng hinihinalang ketamine, nakuha sa loob ng coffee sachets sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2021 08:53 PM

Nasabat ng mga awtoridad ang humigit-kumulang P3.1 milyong halaga ng hinihinalang ketamine na nakuha sa loob ng mga coffee sachet.

Sa isinagawang delivery ng isang package sa Brgy. Bagbaguin, Caloocan City, nakumpiska ang nasa 622 gramo ng naturang anesthetic.

Naaresto ang isang suspek na 34-anyos na driver at taga Valenzuela City.

Ayon sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADTG), ang parcel na dineklarang “snacks” ay ipinadala ng isang "Simon" mula Kuchai Entrepreneur Park sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa isang "Nick Dimagiba" ng Caloocan.

Sa mga "assorted snack" na ipinadala, 15 sachet ang naglalaman ng nasabing ketamine.

Ang ketamine ay ginagamit sa pulbos o likido bilang pampamanhid, na kadalasan ay para sa mga hayop.

Inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa nahuling suspek at nakapangalang consignee.--Ulat ni Gracie Rutao

KAUGNAY NA BALITA

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.