Gatas, diapers hiling ng Sta. Ana Hospital para sa inilikas na babies mula PGH

ABS-CBN News

Posted at May 17 2021 06:51 PM | Updated as of May 17 2021 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Umaapela ng donasyong gatas at diapers ang Sta. Ana Hospital para sa mga sanggol mula Philippine General Hospital (PGH) na inilikas sa kanila matapos masunog ang bahagi ng pagamutan noong Linggo madaling araw. 

Ani Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla, gutom na gutom ang mga sanggol na nasa pangangalaga nila ngayon.

Sampu ang stable at nagpapalaki na lang at 2 ang kritikal ang kondisyon pero maayos naman sa ngayon.

"Puwede silang mag-donate ng kanilang gatas ng ina sa ating Justice Abad Santos Hospital, kasi roon po talaga ang aming milk bank... Ang mga sanggol naman, nangangailangan lang talaga sila ng mga diaper," sabi ni Padilla.

Sabi ni Padilla, naging malaking tulong naman aniya ang Manila Milk Bank na nagbigay ng pasteurized human milk.

Patuloy naman ang pagtukoy sa mga magulang ng mga inilikas na sanggol.
    
Siniguro ng PGH na hindi magkakapalitan ng baby dahil nilagyan ng name tags bago sila inilikas.

SANHI NG SUNOG SA PGH

Watch more in iWantTFC

Patuloy din ang imbestigasyon ng Manila Fire Department (MFD) sa naging sanhi ng sunog sa PGH.

Ani Senior Insp. Hector Agadulin ng MFD, nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng ospital.

Hindi naman lumaki ang sunog at umabot lang sa ikalawang alarma, pero nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil sa makapal na usok. 

Sa 3rd floor rin kasi nakaimbak ang mga kumot, punda at maging mga PPE at face mask. 

Tumagal nang 5 oras bago naapula ang apoy na nag-umpisa ng 12:41 a.m. Linggo.

Hindi na nadamay ang ibang palapag pero kinailangan ilikas ang nasa 500 pasyente. 

Sa mga susunod na araw pa maglalabas ng resulta ng imbestigasyon ang MFD.

—May ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.