PatrolPH

Bahagi ng Intramuros bukas na ulit sa mga turista

ABS-CBN News

Posted at May 17 2021 12:47 PM | Updated as of May 17 2021 09:46 PM

Bahagi ng Intramuros bukas na ulit sa mga turista 1
Mga taong namamasyal sa Fort Santiago sa Intramuros, Maynila noong Pebrero 17, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Bukas na ulit ngayong Lunes ang 2 tourist attraction sa makasaysayang Intramuros sa Maynila.

Ayon sa Department of Tourism, puwede na ulit bisitahin ang Fort Santiago at Baluarte de San Diego dahil sa pinaluwag na quarantine status sa Metro Manila.

Sinara ang mga atraksiyon noong katapusan ng Marso nang ibalik sa mahigpit na enhanced community quarantine ang Metro Manila bunsod ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.

Pero nagpaalala rin si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng health protocol at limitado lang ang operasyon ng 2 historical site.

Nasa 200 bisita lang ang sabay na makakapasok sa Fort Santiago habang 100 naman sa Baluarte de San Diego.

Bawal pa rin ang mga bisitang menor de edad at edad 66 pataas.

Ipinagpapasalamat naman ni Puyat na kasama sa A4 priority group — na susunod na tatanggap ng COVID-19 vaccines — ang mga tourism employee.

Isa sa matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang sektor ng turismo ng Pilipinas.

Nitong Lunes din nagbigay ng ayuda si Puyat sa 295 empleyado ng turismo sa Intramuros na lubhang naapektuhan ng paghihigpit sa quarantine restrictions. 

Watch more on iWantTFC

Umaasa si Puyat na kapag tuluyan nang bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit ay maibabalik muli ang sigla ng turismo sa bansa.

Samantala, suspendido simula ngayong Lunes ang community pantry sa Intramuros dahil sa inaasahang pagdami ng mga bisita sa walled city.

Sa ilalim ng "general community quarantine with heightened restrictions," na sinimulang ipatupad sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan nitong Sabado, pinapayagan ang pagpunta sa mga outdoor tourist attraction basta nasusunod ang health protocols.

-- Ulat nina Jekki Pascual at Zandro Ochona, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.