PatrolPH

Suplay ng kuryente sa Quezon province, 80 porsiyento nang naibalik

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 11:28 AM | Updated as of May 17 2020 06:39 PM

Suplay ng kuryente sa Quezon province, 80 porsiyento nang naibalik 1
Isang puno ang bumagsak sa kalsada matapos manalasa ang bagyong Ambo sa bayan ng Atimonan, Quezon province noong Mayo 15, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

Naibalik na ang kuryente sa halos buong lalawigan ng Quezon matapos mawala dahil sa pagtama ng bagyong Ambo, sabi ngayong Linggo ni Governor Danilo Suarez.

Ayon kay Suarez, nasa 80 porsiyento na ng suplay ng kuryente ang naibalik sa lalawigan.

Puspusan din ang pagtanggal ng mga tauhan ng mga local government sa mga natumbang puno at poste ng kuryente sa daan, na naging dahilan ng pagkawala ng kuryente sa 30 bayan sa lalawigan.

Ayon kay Suarez, nagsimula nang umuwi sa kanilang mga tahanan ang ilan sa higit 7,000 pamilya na lumikas sa evacuation centers dahil sa bagyo, na aabutan ng tulong ng mga lokal na pamahalaan.

Watch more on iWantTFC

Nagsagawa ng aerial damage assessment ang mga awtoridad sa Quezon province noong Sabado matapos itong daanan ng bagyong Ambo. Video mula sa Provincial Governor's Office, Quezon

Patuloy naman ang pagsasagawa ng aerial damage assessment at needs analysis ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Office of Civil Defense ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) region.

Sa tala ng Quezon PDRRMO, halos 2 bilyon ang pinsalang iniwan ng bagyo sa agrikultura, pinakamalaki ay sa industriya ng niyog.

Patuloy pang inaalam ng mga opisyal ang iba pang pinsalang iniwan ng bagyo. -- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.