‘Malaki ang mawawala sa koleksiyon ng buwis dahil sa ABS-CBN shutdown’

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 02:55 PM

Iginiit ngayong Linggo ng isang political analayst na malaki ang mawawalang kontribusyon ng buwis sa gobyerno sa pagtigil ng broadcast operations ng ABS-CBN.

Ayon kay Froilan Calilung, na nagtuturo ng political science sa University of Santo Tomas, damay ang ekonomiya kung tuluyang babagsak ang higanteng media network, na isa sa pinakamalaking taxpayer sa bansa.

“Malaki rin po ang mawawala na tax sa government,” ani Calilung sa isang online media forum.

Ayon kay Calilung, nakapagbayad ang ABS-CBN sa gobyerno ng P14.3 bilyon mula 2016 hanggang 2019.

“I think that’s substantial to have also the government in their cost,” aniya.

Sa isang Senate hearing noong Pebrero, nilinaw ng Bureau of Internal Revenue na walang tax liabilities ang network.

Sa naunang pahayag, sinabi ng ABS-CBN na nakapagbayad ito ng P70.5 billion sa nakalipas na 19 na taon.

Bukod sa pagkawala ng malaking taxpayer, sinabi ni Calilung na ang pagpapasara sa network ay magdudulot ng negatibong impresyon sa foreign investors.

“It may dissuade investors from further coming to the country,” ani Calilung.

Tinigil ng ABS-CBN ang broadcast operation matapos silbihan ng National Telecommunications Commission ng cease and desist order (CDO) noong Mayo 5, isang araw matapos mapaso ang prangkisa ng kompanya. Umapela na sa Korte Suprema ang ABS-CBN para mapatigil ang pagpapatupad ng CDO.

Noong nakaraang linggo, naaprubahan naman sa second reading ang isang panukalang batas sa Kamara na magbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang Oktubre 2020.

Patuloy namang tatalakayin ng mga mambabatas ang mga nakabinbing panukalang batas para mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN para sa susunod na 25 taon.

Ang news.abs-cbn.com ay ang opisyal na news website ng ABS-CBN Corp.