Lalaking dawit sa pagpatay sa pulis-Maynila timbog sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 12:30 PM

Arestado Sabado ng gabi sa Sogod, Southern Leyte ang isang lalaki na nagtago nang higit 4 na taon matapos umanong makapatay ng isang pulis-Maynila.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ni regional director Maj. Gen. Debold Sinas ang suspek bilang si Prelan Grama, na may mga alyas na "Allan Fajardo" at "Allan Arciento."

Ikinasa ang operasyon laban kay Grama matapos siyang matunton sa Sogod sa tulong ng social media at mga informant, ayon sa NCRPO.

Higit 4 na taon na umanong nagtatago si Grama kasama ang kaniyang live-in partner sa Sogod, kung saan nagtrabaho siya bilang construction worker.

Dawit si Grama sa pagpatay kay Cipriano Herrera, dating commander ng Manila Police District Station 3, noong Disyembre 2015, ayon sa pulisya.

"Indeed, the long arm of the law will always catch up criminals," ani Sinas tungkol sa paghuli sa suspek.

Kasong murder, carnapping at robbery ang haharapin ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.