Lalaki patay nang tangayin ng agos sa ilog sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 12:09 PM | Updated as of May 17 2020 01:07 PM

Patay ang isang lalaki matapos tangayin ng tubig sa ilog sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ambo sa bayan ng Echague, Isabela.

Natagpuan ngayong umaga ng Linggo ang bangkay ni Rex Fernandez​, 20 anyos.

Base sa imbestigasyon, pumunta si Fernandez at 2 iba pa sa ilog Sabado ng hapon para manghuli ng isda, pero habang pabalik ay biglang tumaob ang sinaskayan nilang bangka.

Nasagip ng mga nakakitang residente ang 2 kasama ni Fernandez mula sa malakas na agos ng tubig. Pero si Fernandez ay hindi muna kaagad nakita.

Pinaghahanap din ng mga awtoridad ang isang lalaking natangay umano ng tubig sa ilog sa Barangay Mabantad, Cauayan City noong Biyernes.

Nagpunta ang lalaki, 47 anyos, sa ilog kasama ang kapatid para manghuli sana ng isda.

Sa Ilagan City, nadadaanan na ulit ng mga motorista ang 2 tulay matapos malubog ang mga ito dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog, bunsod ng malakas na buhos ng ulang dala ni Ambo, ayon sa Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nadadaanan na rin ang Annafunan Bridge sa bayan ng Echague.

Nananatili namang lubog sa tubig ang tulay sa Barangay Gucab sa Echague, Alicaocao Bridge sa Cauayan City, at Cansan-Bagutari Bridge sa Santo Tomas.

Ibinaba ang tropical cyclone wind signals No. 1 and 2 sa lalawigan ng Isabela noong Biyernes at Sabado dahil sa bagyong Ambo.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.