PatrolPH

Ilang mangingisda sa Quezon problemado matapos masiraan ng mga bangka

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 05:21 PM | Updated as of May 17 2020 06:09 PM

Problemado ang mga mangingisda mula Infanta, Quezon matapos masira ang kanilang mga bangka noong kasagsagan ng Bagyong Ambo.

Sa dalampasigan ng Dinahican, nakalinya ang mga bangka ng mga mangingisda, na tumaob at nagkabutas-butas dahil sa bagyo.

Ayon sa pamilya ng mga mangingisda, bago pa mag-lockdown, ilang buwan na silang walang kita noong panahon ng amihan.

Hinintay nila ang pagtatapos ng lockdown at umasang maitutuloy ang kabuhayan pero bigla namang humagupit ang bagyong Ambo.

Watch more on iWantTFC

Bukod sa kabuhayan, may mga pamilyang nawalan din ng bahay.

Sa bayan ng San Narciso, paglipas ng bagyo, tumambad ang malawak na pinsala sa mga taniman ng saging.

Aabutin pa ng isang taon bago tuluyang makarekober at mamunga muli ang mga saging.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot sa halos P80 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura ang iniwan ng Bagyong Ambo sa bansa.

Umaasa ang mga taga-Quezon na matutulungan sila ng gobyerno para maibangon agad ang kanilang kabuhayan. -- Ulat nina Jervis Manahan at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.