COVID-19 cases sa Pilipinas umabot na sa 12,513

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 04:37 PM | Updated as of May 17 2020 06:41 PM

(UPDATE) Umakyat na sa 12,513 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay matapos makapagtala ngayong Linggo ang DOH ng 208 karagdagang kaso.

Sa mga bagong kaso, 174 o 83 porsiyento ay galing sa National Capital Region, 33 o 16 porsiyento ay mula sa ibang mga rehiyon, habang isa lamang ang naitala sa Central Visayas.

Umabot naman sa 2,635 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit matapos maiulat ang 74 bagong recoveries.

Pito naman ang bagong naitalang pagkamatay para sa kabuuang 824.

Nakapagtala naman ngayong Linggo ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 37 bagong COVID-19 cases sa mga Pinoy sa ibang bansa, para sa kabuuang 2,397.

Sa bilang na ito, 826 ang gumaling habang 277 naman ang namatay, ayon sa DFA.

Sa buong mundo, umabot na sa 4.6 milyon ang kaso ng COVID-19, kung saan nasa 311,000 ang namatay, base sa tala ng Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.