Babaeng nagpanggap bilang pulis arestado sa Laguna checkpoint

ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 04:26 PM | Updated as of May 17 2020 06:16 PM

Arestado ang isang babaeng online seller sa Magdalena, Laguna dahil sa pagsusuot ng uniporme ng pulis para umano makalusot sa checkpoint.

Kinilala ang suspek bilang si Maricel Alcantara, na naharang sa checkpoint sa Magdalena habang nakasuot ng field uniform ng Philippine National Police. Nagpakilala umano siya bilang pulis na may ranggong lieutenant colonel.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Capt. Ronalyn Larrosa, hepe ng Magdalena police, sinabi ni Alcantara na nakatalaga raw ito sa health service ng Camp Vicente Lim sa Calamba City.

Pero natuklasan ng mga awtoridad na nagpapanggap lang pala si Alcantara bilang pulis.

Ayon kay Larrosa, posibleng naging istilo na ng suspek ang pagsusuot ng uniporme ng pulis para malayang makadaan sa mga checkpoint.

Humingi naman ng tawad si Alcantara at inaming online seller siya ng police uniform.

Hinahanap niya raw sa Laguna ang nobyong pulis na nang-iwan sa kaniya.

Kinasuhan ang suspek ng usurpation of authority and illegal use of uniform and insignia. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.