PatrolPH

OFW na iginapos sa puno ng amo nag-aalala sa 4 kasamahan na naiwan

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 03:58 PM

Matapos makauwi sa bansa, nag-aalala naman ngayon sa kaniyang mga kasamahan na naiwan ang Pinay overseas Filipino worker (OFW) na itinali sa puno ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.

Nakauwi noong Mayo 9 sa Bauang, La Union mula Riyadh, Saudi Arabia ang 29 anyos na si alyas "Annalyn."

Magandang kinabukasan para sa dalawang anak ang pangarap niya kaya siya namasukang domestic helper. Pero hindi niya aakalaing ito rin pala ang maglalagay sa kaniya sa kapahamakan.

Si Annalyn ang nasa larawang kumalat sa social media na itinali ng kaniyang amo sa puno sa loob ng 7 oras.

Nagalit ang kaniyang amo dahil naalikabukan daw ang kaniyang mga upuan.

"Umiiyak na lang ako. Sabi ko sa Diyos kayo nang bahala sa mga anak ko ganun. Baka dito na ko mamatay," ani Annlyn sa panayam ng ABS-CBN News nitong Biyernes. 

Binigyan ng ticket pauwi ng Pilipinas si Annalyn ng kaniyang amo pero sinabihang huwag siyang magsusumbong.

Ngayon, apat na Pilipino pa ang naiwan doon sa bahay at patuloy na pinagmamalupitan daw ng kanilang amo.

"Iyung mga kasama ko po dun, 'yun na lang po iniisip ko ngayon. Salamat. Nakauwi na rin po ako dito kaya ngayon 'yung mga kasama ko na lang po iniisip ko," sabi ni Annalyn. 

Nakatanggap na ng financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development si Annalyn habang minamadali naman ang livelihood assistance na ibibigay sa kaniya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Tutulungan din siyang singilin ng danyos ang agency na nagpadala sa kaniya sa Saudi. 

Sabi ng OWWA, madaling naproseso ang pag-uwi ng biktima dahil legal na nakapasok si Annalyn sa trabaho.

Ipinaalala ng OWWA ang kahalagahan ng prosesong ito kaysa makipagsapalaran sa ibang bansa bilang undocumented OFW sa bisa lamang ng tourist visa.

"Iyung tourist wala tayong mako-contact na agency na nang-ano sa kaniya kasi sila 'yung liable eh. Sila ang mape-penalize in case na may mangyari doon sa worker," sabi ni Loreta Vergara, head welfare assistance unit ng OWWA-Region 1. 

Sa tala ng tanggapan, higit 800 OFW sa Ilocos Region ang napauwi sa Pilipinas dahil sa paglabag sa kontrata ng kanilang amo noong 2017. Higit 600 naman ang naitala noong nakaraang 2018.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.