PatrolPH

Menor de edad na nanloob sa parlor sa QC dawit din sa 20 pang pagnanakaw

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 03:24 PM

MAYNILA — Natimbog ng mga tanod ng Barangay Tandang Sora sa Quezon City ang isa umanong akyat-bahay na menor de edad na nanloob sa isang parlor noong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, kita ang binatilyo nang tangkang pasukin ang staff room ng mga empleyado ng isang parlor sa ika-2 palapag.

Maya-maya, bumaba ito nang may marinig na kalabog sa kuwarto pero muli itong umakyat nang makakuha ng tiyempo.

Pero dahil nakasara ang pintuan, tinangay na lamang niya ang ilang gamit na nakita sa labas.
 
Hindi pa nakuntento ang lalaki at paglabas ay kinalas ang metro ng tubig ng parlor.

Saktong may parating na tanod at nahuli ang suspek.

Pagdating sa tanggapan ng barangay, nalaman sa rekord na umabot na sa higit 20 insidente ng akyat-bahay ang umano'y kinasangkutan ng batang suspek sa kanilang lugar at katabing barangay.
 
"Hindi lang 20 siguro. Problema di kinakasuhan ng mga biktima kasi bata. Notorious na talaga siya sa amin. Sana maayos talaga para maipakulong ang mga ganyan," ayon kay Lorenzo Altaras, Jr. na dating opisyal ng barangay.

"Problema kasi bata pa siya kaya di pwedeng kasuhan... Sana itaas na edad [ng pananagutan] para makasuhan," sabi naman ni John Camara, kawani ng parlor.

Hindi na nadala sa Department of Social Welfare and Development ang suspek dahil hindi na rin nakapagsampa ng reklamo ang mga biktima.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.