PatrolPH

Konsehal ng Makati nakabangga ng 2 sasakyan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 06:16 AM

MAYNILA - Nakabangga ng 2 sasakyan ang isang konsehal ng Makati City habang nagmamaneho ng kaniyang luxury car sa Barangay San Antonio Huwebes ng gabi.

Kinilala siya na si Nemesio "King" Yabut Jr., konsehal ng 2nd district ng siyudad.

Base sa paunang imbestigasyon, binabaybay ni Yabut ang kahabaan ng Ayala Avenue Extension nang bumangga ito sa isang kasabay na sasakyan.

Sunod na nabangga ni Yabut ang nakaparadang sasakyan ng ABS-CBN na nasa labas ng Makati Police Station.

Nawasak ang harapang bahagi ng kotse habang nayupi naman ang likurang bahagi ng nabangga nitong mobile.

Agad isinugod sa Makati Medical Center ang konsehal matapos makaramdam ng pananakit sa balikat.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines ng Makati City police, galing sa isang party si Yabut at maaaring nakainom ng alak nang mangyari ang aksidente.

Posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to properties si Yabut.

Tumakbo si Yabut sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng siyudad sa katatapos na halalan.

Tinalo siya ni Luis Campos na nagkamit ng 90,736 na boto habang si Yabut ay nakakuha ng 63,245 na boto. - Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.