Kolektor ng pautang, pinagbabaril sa South Cotabato

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 12:37 PM

Sa lugar na ito inabangan ng 3 hindi pa nakikilalang mga suspek ang kolektor ng pautang. Nagawa nilang tangayin ang bag na naglalaman umano ng nakolektang pera at ang motorsiklo ng pinagbabaril nilang biktima. Yen Mangompit, ABS-CBN News

TUPI, South Cotabato - Ginulantang ng sunod-sunod na putok ng baril ang mga resident ng Prk 1 Barangay Palian, kaninang alas nuebe y media matapos pagbabarilin ng gunman ang kolektor ng pautang sa lugar.

Mula Purok Lote ang biktima na nakasakay sa kanyang motorsiklo at nakasunod ang saksing si Alyas Jimmy.

Pagdating nila sa Purok 1, may napansin siyang 3 lalaking nakaabang at biglang bumunot ng baril.

Natumba sa minamanehong motorsiklo ang biktima habang pinagbabaril din ng suspek si Alyas Jimmy na karga pa ang 10-anyos nitong anak na babae.

Maswerte't hindi sila tinamaan ng bala mula sa kalibre 45 na baril.

Agad tumakas ang 3 suspek sakay ang motor ng biktima at tinangay din nila ang bag nito na pinaghihinalaang naglalaman ng kinulektang pera.

Naisugod sa ospital sa GenSan ang biktima na wala pa ding pagkakakilanlan hanggang ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.