Dating sundalo na nagpanggap na abogado timbog sa estafa

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 05:46 PM

Arestado ang isang retiradong miyembro ng Philippine Army na ginamit umano ang kapangalang abogado para makapanloko sa mga mabibiktimang kliyente.

Sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), huli ang suspek na si Armando Padilla, na isang retired colonel, dahil sa pagpopostura bilang abogado.

Kuwento ng biktimang si alyas "Jobert," nagpatulong siya kay Padilla na makuha ang 24 ektaryang lupain sa Nueva Ecija na inaangkin umano ng iba.

Nagpakilala daw kasi si Padilla na may specialization sa mga ganong klase ng kaso.

Nasa P150,000 ang siningil ni Padilla sa biktima pero umabot na sa P270,000 ang naibigay ni Jobert pero wala pa ring pag-usad sa kaso.

Doon na nag-imbestiga ang biktima at nalamang nagpapanggap lang palang abogado ang suspek.

Dahil dito, nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad dahil sa kasong estafa.

"Ginamit lang niya 'yung pangalan ng kapangalan niyang abogado, alam niya kasing may gano'n," ani Atty. Charles Lim Pozo ng NBI-NCR.

Inaalam pa ng NBI kung may iba pang nabiktima ang pekeng abogado.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.