Condo nilooban sa QC; higit P100,000 alahas, pera natangay

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 12:31 AM

Balak kasuhan ng dalawang mag-ina ang pamunuan at security agency na namamahala sa isang condominium sa Quezon City sa umano'y kapapabayaan nila nang looban ang kanilang unit. 

Aabot sa P100,000 ang halaga ng nalimas na alahas at pera mula sa 82 anyos na si Zeny Purificacion at ang kaniyang anak na si May nang butasan umano ng kawatan ang pintuan ang kanilang unit. 

Kuwento ng mag-ina, buong araw silang nawawala para magtrabaho at magbantay sa puwesto ng kanilang tindahan.

Base sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaki na dumiretso sa elevator nang hindi dumadaan sa receptionist ilang oras bago madiskubre ang pagnanakaw. 

Paniniwala ng mga biktima, madalas magpunta sa condominium ang suspek at maaaring alam umano ng kawatan na gabi na nakakarating ang mga biktima sa kanilang unit.

Dagdag nila, hindi basta-basta nakakaakyat sa mga unit ang mga bisita nang walang abiso mula sa mga tenant. 

Paliwanag ng roving guard na si Jolito de Aquino, hindi umano pinapirma ng nagbabantay sa lobby ang lalaki na nakita sa CCTV bago ito umakyat. 

"Pag dito pag may bisita ako naga-asssist, kapag sinabi ng lobby guard, inaasist ko. Sinasamahan ko ko, yung kanina, nagsabi na bisita yan. Kasi nag-ano (assist) ako sa kanya, di niya (lobby guard) pinag-log," 

Giit ng nagbabantay ng lobby na si Katherine De Vera, akala niya na bisita ang kawatan sa birthday party ng isa pang tenant. 

"Parang akala ko bisita, kasi may birthday diyan sa taas. Nagpakain kasi yung isang unit kasi birthday nya," ani De Vera. 

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. 

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.