Comelec kinalampag para idetalye ang ilang aberya sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang grupo ang nagprotesta nitong Biyernes sa harapan ng Philippine International Convention Center (PICC) kung saan pinangungunahan ng Commission on Elections (Comelec) ang canvassing ng mga boto sa ginanap na halalan noong Lunes.

Kinalampag ng mga grupong Silent Majority, Makabayan, at iba pa ang Comelec upang ilantad umano at ipaliwanag ang naging sanhi ng ilang aberya noong halalan, partikular na ang 7 oras na delay ng transmission ng partial at unofficial tally mula sa transparency server.

Sabi ni Jozy Acosta Nisperos, founder ng Silent Majority, suportado nila ang panawagan ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na wala muna dapat maganap na proklamasyon.

"We support that call to delay the proclamation until all our questions are answered because we think na critical 'yon to obtain confidence in the results of the elections," sabi ni Nisperos.

Maaalalang noong Lunes matapos magsara ng botohan, una at huling naglabas ng datos ang transparency server bandang alas-6 ng gabi. Matapos ang pitong oras, at saka pa lamang ito nagbigay ng bagong resulta.

"Sabi nila nabilaukan ang server kaya hindi gumana, ang taumbayan ang nabilaukan kinaumagahan nang makita namin na may resulta na pala ang eleksyon," sabi naman ni Makabayan chairman at senatorial candidate Neri Colmenares.

May mga madre rin na sumali sa protesta sa PICC at nanghihingi ng paliwanag mula sa Comelec.

"Seven hours na silence, hindi ba anomaly 'yun? Sila na mismo nagsabi that is not supposed to be regular," sabi ni Sister Mary Mananzan ng grupong One Voice.

Sa pinakahuling update, naghain na ng manifestation ang Liberal Party sa Comelec para humingi ng kopya ng mga report sa technical glitches, computer logs, at detalye ng mga nagkaaberyang vote counting machines at SD cards.

Nais din nila ng independent investigation sa delay ng transmission sa transparency server.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.