Bus nawalan ng kontrol sa Quezon; 16 sugatan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 04:18 PM

Labing-anim na pasahero kabilang ang isang bystander ang sugatan nang sumalpok ang isang pampasaherong bus sa bahagi ng Quirino Highway sa Tagkawayan, Quezon nitong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon ng Tagkawayan police, minamaneho ng drayber na si Alan Robles ng Elavil Tours ang bus patungong Maynila nang mawalan umano ng kontrol sa sasakyan sa mabilis na takbo nito.

Tumagilid ang sasakyan at dumiretso raw ito sa isang garahe at nakatama ng dalawang motorsiklo at isang bystander.

Nabatid din na may lulang 70 pasahero ang bus.

Agad na isinugod sa Ma. Eleazar Memorial District Hospital ang mga nasugatan.

Nasa kustodiya naman ng Tagkawayan police si Robles, na iniimbestigahan dahil sa passenger overloading.

-- Ulat ni Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.